Lumaki ako sa siyudad ng Baguio at sa kapanahunan ko noon, uso sa mga lalake na mag aaral ng kolehiyo ang mag-enroll sa Engineering habang kadalasan naman na kinukuha ng mga babae ay Nursing. Engineering nga ang pinasok ko. Marami sa aking mga kaklase sa high school ay nakasama ko din sa Saint Louis University kung saan ako pumasok. May ROTC pa nuon o Reserved Officers’ Training Corps. Tinatapos ito sa unang 2 taon ng kolehiyo. Kung lalake ka at wala namang kapansanan ay dapat na tapusin mo ito kung gusto mong makatapos ng kolehiyo. Sa High School pa lang ay inihahanda na din para dito pero sa high school namin, mas uso ang Scouting Movement at Drafting. May konting Military drills din kami pero di gaya sa ibang paaralan. Kaya nung unang araw ng ROTC namin ay lagi akong nahuhuli sa mga commands. “Harap sa kanaaaaan…. Rap!” naka harap na lahat sa kanan, ako ay paikot pa lang. “Harap sa kaliwaaaaaa…. Rap!” Huli pa din ako at di rin ako marunong umikot, mejo patumba -tumba pa. Pero nung pansinin ko sa kabilang platoon, may mga nahuhuli din. Teka, parang kakilala ko yun a… Sabi ko na nga ba e, kaklase ko nung High School! Di ako nag iisa. Tawanan na lang kami nung magkita ulit kami. Pero kung mahina man kami nung una sa ROTC, humabol din kaagad. At dahil nasanay na kami sa Drafting nung High School, kaming nasa Engineering ay naka relax lang sa Drafting habang nangangamote naman ang iba. Huli man kami sa “Harap sa kanan, harap sa kaliwa”, kabisado naman namin ang “Front View, Side View, Orthographic View”.
Sa PE naman, Gymnastics ang first at second Sem. Individual and Team Sports sa 2nd year 1st sem. Nag second year din ako sa Engineering kahit hirap sa Algebra. Naalala ko na Dance ang PE namin sa 2nd sem. Kami sa College of Engineering ay halos lalake lahat, baka may mga nagpapanggap din pero di ba masyado uso ang bading noon, ewan ko ba anong nangyare, nanganak ata sila at parang dumami. Peace! Marami din akong mga kaibigan na bading. Mas respetado ko yung di nagtatago kaysa sa kunyari lang. Balik tayo sa kwento…. Kulang ang partner na mga babae noon kapag panay Engineering sections lang kaya ipinartner ang PE class namin sa College of Nursing na karamihan ay mga babae. Sabi ng instructor namin; “Hawakan nyo sa baywang ang mga kapartner nyong babae!”. Ako naman, hanap ng baywang. Nagkataon na parang drawing ng Engineer yung kapartner ko- deretsong deretso ang katawan. Wala akong makitang baywang. E di tanong ako sa instructor ng malakas, maingay kasi e, “Ma’am saan po ang baywang ng aking partner?”. Ang maputi kong kapartner, biglang naging mala rosas ang kulay. Duon din ako nakakita ng mga matang mala apoy. She’s Hot! ika nga. Kaso sa di ninanais na hotness. Ay naku, paano ba ito? Mukhang na-co tangent ako nito. Biglang umabot sa boiling point ang ina-analyze kong sample, este, classmate. Buti na lang at pinag drawing nya ako ng project nila bago ang araw na yun. Kung hindi ay baka magsasasayaw akong mag isa, parehas pang kaliwang paa.
Sa kalaunan, ang bayaw ko naman ay nakapagpatayu din ng gym- ang Flex Gym. Sa La Trinidad Valley ito, karatig bayan ng Baguio City kung saan ako lumaki. Nakapag ipon naman ako ng pambili ng mountain bike at gamit ko ito para pumunta sa Flex Gym. Pag wala akong pasok, tumatambay ako sa gym- para mag ensayo at para tumulong din. First to second year na ako sa College of Engineering sa Saint Louis University ng mga panahong iyon. Di ako masipag sa pagpraktis sa mga mathematical equations, pero pag nagbasa ako ng mga magazines at reference books ng aking bayaw tungkol sa Anatomy, madali ko itong naiintindihan, mapa anterior view, posterior view, o transverse plane at sagittal plane pa man. Parang iba ata ang hilig ko a. Nag-isip din ako ng malalim ilang buwan kung ano ba talaga ang gusto kong gawin. Sinulat ko ang pro’s and con’s. Ano ba ang gusto ko? Ang hilig ko?
Lipat Kurso
Hanggang sa nagpaalam ako sa aking nanay na gusto kong palitan ang aking kurso. Ginusto kong maging Physical Therapist. Lumipat ako sa University of Baguio. Buti na lang at tinangggap ako bilang second year student at di ako bumalik sa pagiging freshman. Nanibago ako dahil sa engineering ay karamihan lalake kami, mga tatlo hanggang lima lang ang kaklase naming mga babae. Baliktad naman ito sa College of Physical Therapy. Pinapaligiran ako ng mga nag gagandahang dalaga! Pero mahiyain ako. Working student din ako nuon. Tiga linis ako sa mga laboratories. Hardinero din sa maliit na green house. Hanggang sa naging laboratory assistant ako sa Zoology 101. Subject ko din iyon pero para walang masabi ang aking mga professors ay doble aral ako. Minememorize ko na agad ang mga muscles at buto ng palaka. At kumita pa ako ng konte dahil sa La Trinidad ay maraming “karag” o kaya’y bullfrog. Kaya sinadya kong nagpagabi sa Flex gym, at nung madilim na ay pumunta ako sa mga taniman ng gulay at numulot ako ng mga palaka at nilagay ko sa sako. Namulot ako, di na kailangang hulihin dahil di naman sila mabilis o malayo tumalon. Ibinenta ko ng P50 kada palaka.
Si Ming, ang dakila kong pusa
Lumipas ang isang sem ay naging assistant din ako sa Zoology 102. Tapos na ang mga palaka. Pating, pusa, at pagong naman ngayon. Dito di ko makakalimutan ang aking pusa. Ming ang pangalan nya. At sinakripisyo ko sya para lang may mapag aralan ako. Siguro kung kailangan kong gawin ulit ngayon ay di ko na kaya. Ganyan talaga, gusto mong matuto? Gawin mo ang kaya mong gawin. Di mo kaya, di ka para dito. Pero galing na ako sa engineering. Di na ako lilipat ng kurso, wala nang atrasan ito. Maiintindihan naman ng aking pusa kung bakit ko sya “ipapagraduate” agad. Di lang ang aking pusa ang aking pinatay. Di ko mabilang kung ilang pusa ang winakasan ko ng buhay. Di ako galit sa pusa, gustong gusto ko ang mga hayop. Pero kailangang gawin ito para sa mas mataas na dahilan. Para matuto para makatulong sa mga magiging pasyente. Bilang student assistant sa Zoo 2, Comparative Vertebrate Anatomy, ay ako ang berdugo. Berdugo ng mga Pusa. Nasa loob ako ng Laboratory. Papasok ka pa lang dito ay amoy mo na ang malakas na amoy ng formalin. 8:30 -10:30 ang unang Klase. Pasimula na ang topic na musculoskeletal anatomy- yung pusa. Bitbit na ng mga estudyante ang kanilang mga muning. Ako naman ay handa na. May bote ng isang kemikal, at di ko sasabihin kung ano ito, at may hawak akong bulak. Lalagyan ko ng kemikal yung bulak at itatapal ko ito sa ilong at bunganga ng mga muning. Mabilis lang. Ayaw ko silang mahirapan. Di nakakatuwa ang pumatay ng hayop. Pagkatapos ng 8:30-10:30 ay 10:30 – 12:30 class at parehong subject. Berdugo pa din ako. Kung di siguro ako malakas lakas ay sinamahan ko na din yung mga pusa sa kanilang paglalakbay patungo sa gate ni San Pedro. Nasa loob ako ng laboratoryo na puno ng formalin vapors at naamoy ko din yung ginagamit kong pamatay sa mga pusa. Siguro ay mahigit pa sa siyam ang buhay ko. Kung isang singhot ng pusa ay ubos ang siyam na buhay, di ko alam kung naka ilang singhot ako sa araw na yun. Akala ko matutumba na ako pero trabaho e, walang lalamya lamya. Amoy formalin ako kaya kahit na nag gagandahan ang mga estyudante ay trabaho lang ako. Di ako marunong magpa cute at di ko din makuhang magpa cute. Total mahiyain ako. At saka ‘di ko man lang sila masabayan canteen, di uso sa akin ang magmeryenda kasi. Total, nandun ako para mag-aral. Kaya din ako nag pa assign na maging assistant at janitor sa Zoology Lab, at pati na din sa Cadaver Lab, ay para makapag aral. Habang naglelecture ang mga professor ay nakikinig ako. Kung tapos na ang klase ay pinag aaralan ko ang mga patay. Ang mga patay na nanigas sa formalin ang mga kasamahan ko sa laboratoryo. Wala namang nakakatakot. Wala ka nang maramdaman na kaluluwa, o baka manhid lang ako.
3rd year to 5th year
Ang unang 2 taon sa kolehiyo noon ay basic subjects pa lang. Sa third year pa talagang magkaka-alaman. Naging third year na din ako. Sa wakas, makakapag suot na din ako ng puting uniporme! Mas mahal na ang tuition fee, at bawal na din daw na ipag patuloy ka ang pagiging “Student Assistant” ang tawag sa aming mga working student sa unibersidad namin. Inisip ko na lang na mahihirapan na ako pag pinagsabay ko ang trabaho at pag aaral. Kakilala ko na din halos lahat ng kaklase ko. Sila din yung mga estudyante ng professor sa Zoo 101 at Zoo 102. Kilala na din nila ako. Dumaan kami sa iba’t ibang klaseng guro. May magaling magturo, may nambobola, may nagtitrip. Madali namang makita ang pagkatao nila. At kahit saan, iba’t iba talaga ang mga ugali. Tiis na lang kung di mo type ang teacher. Pakonte ng pakonte ang bilang namin hanggang sa 5th year. May mga naabutan kaming mga senior namin dati at may mga kasamahan kaming nahuli. Ganyan talaga. Internship ang 5th year at dito mo masusubukan kung may naintindihan ka nga sa classroom. Sampung buwan ang internship at swertehan din kung saan ka i-assign ng mga internship coordinators. Swertehan din kung sino magiging kasamahan mo na galing sa school mo at yung galing ng ibang school. Na-assign ako sa Baguio mismo, sa Olongapo ng 2 buwan, sa Bataan, sa Rizal, sa Bulacan, sa Manila, sa Makati, sa Baguio ulit, at sa La Union. Iba’t ibang ugali, iba’t ibang lugar. Masasayang ala ala din. Mahal ang tuition fee at magastos din ang Internship kaya nagtitipid ako lagi. Hayaan mo nang matawag na “Others”. Di ako masyadong umuuwi pag di naman kailangan. Sayang din pamasahe. Total isang buwan lang naman at makakauwi din, tapos babyahe na naman. Pagkatapos ng 10 buwang internship ay halos patapos na kami. Graduation na!
Sa wakas ay nakapagtapos din ako ng pag aaral. Salamat sa aking mga magulang, sa sakripisyo nila. Salamat sa aking mga lola at lolo, sa mga kapatid, sa buong angkan. Di ko matatapos kung wala sila. Pagkatapos ay review na para sa board exams. Sa school ako nag review. Lagi kong sinasabi sa aking sarili bago ako matulog na kakayanin ko at papasa ako. Inuulit ko ito pagkagising. Nasanay ako na natutulog ng maaga at gumigising ng alas sais ng umaga. Nung review ay kailangang magpuyat. Sinubukan kong uminum ng 2 bote ng Red Bull- yung 250ml cans. Masarap sya. Inantok pa din ako. Mga isa’t kalahating buwan ata bago ng Board exam namin nang lumuwas kami ng iba kong kaklase sa Maynila. Siempre yung murang dorm ang kaya namin. Sa may Lerma Dorm sa Morayta sa may Espana kami napadpad. Kung dederetsohin mo yung Espana, yung lumang lumang gusali sa dulo nya yung dorm namin. Mas mura dito. Isang hard boiled egg, isang hotdog at kanin ang pang umagahan. One to sawa ang tubig. May sabaw ata yung pananghalian. Ang hapunan ay madalas pritong isda. Galing ng iba’t ibang eskwelahan ang mga tumitira sa dorm na yun. Lahat seryoso. Siempre nagkwekwentuhan din paminsan minsan sa mga taga ibang paaralan. Ilang araw bago ang exam, tinasa ko ang mga lapis na gagamitin ko. Cutter ang ginamit ko. Natutunan ko nung engineering student ako kung pano ang tamang tasa ng lapis para maayos ang pagsulat ag pagdrawing. Nakita ng ibang grupo na cutter ang gamit ko sa pagtasa. Nagtaka ako dahil pinagtawanan ako. Bakit daw di ako gumamit ng pencil sharpener? Bakit daw makaluma ata ang gamit ko? Mukhang sila ata ang di marunong a. Di ako pala away kaya di na ako nagsalita.
Dumating na ang araw ng Board Exam. Di na kami nagpuyat ng mga kaklase ko sa pag aaral. Namalantsa na lang kami ng puting uniporme. Iba’t ibang venue yung exam namin. Nung makarating ako sa venue ng exam, lahat kinakabahan. Magkakaapelyido pa kami sa hanay ng upuan ko. At naalala ko na sumusuka pa yung babae na nasa likuran ko dahil sa nerbiyos. Pagkatapos ng 2 araw, natapos din ang exam! Halo halong mukha ang makikita mo. Pero karamihan ay abot tenga ang ngiti. Makakahinga kami ng maluwag, kahit panandalian lang. Aantayin pa namin ang resulta at dahil sa di pa computerized masyado nuon ay Augusto pa magkaka alaman. Kinabukasan ay di pa ako umuwi. Naghanap muna ako ng trabaho. Sa isip ko, swerte kung may mahahanap ako, pero practis lang ito sa job hunting.
Umuwi na ako ng Baguio. Dumating na ang araw na ilalabas ang resulta. Nagbihis ako at pumunta sa plaza. Bumili ako ng Manila Bulletin sa harap ng Old Tiong San Bazaar. Di ko muna ito binuklat. Naghanap muna ako ng mauupuan at sa Maharlika Livelihood Center ako napadpad. Nagdasal muna ako na matatanggap ko kung anuman ang resulta. Hinanap ko na ang aking pangalan. Ang daming apelyido pala ang nagsisimula sa R. Ramos… Ang daming Ramos… pero wala pa ako…. Boom! sa mejo baba pala pangalan ko! Masayang masaya ako. Di ko na maalala anong ginawa ko pero dumeretso na ata ako sa Hangar Market sa tindahan ng nanay ko. Masaya ako at di ko sinayang ang sakripisyo ng aking mga magulang. Masayang masaya ako dahil alam kong masayang masaya din ang aking mga magulang.
(Ang tinungo kong landas pagkatapos kong maging Physical Therapist. Ingles na po ito.)